Isang kronolohiyang Pagsasalaysay
ni
CHARLIE AVILA
Isinalin ni Erlinda Villamor Bagas
|
Hulyo 09, 1987 Ibinunyag ni Cong. Solarz ang mga plano ni Marcos na mag-organisa ng isang grupo ng mga loyalista na dudukot kay Cory Aquino upang siya ay makabalik sa poder. Tiniyak niya sa kanyang mga "financiers" na tutulong sa kanyang mga plano na siya (si Marcos) ay may nakadepositong $500 milyon sa mga bangko sa Switzerland at $14 bilyong mga ginto na lihim na nakabaon sa iba't-ibang lugar sa buong Pilipinas. Gagamitin niya itong kolateral. Kung tatanungin naman siya tungkol sa mga ginto, malabo ang sagot ni Marcos. Noong una, ang sabi niya na nakuha niya ang ginto mula sa Central Bank sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan sa isang dating naging gobernador na ngayon ay namatay na. Minsan sinasabi rin niya na pera niya na hiniraw niya sa mga tao na bumibili ng ginto. . . . Nobyembre 1987 Ibinunyag ni Sen. Nene Pimentel kung paano "niluluto ng Central Bank ang libro. Gumagamit ang CB ng "double accounting system" at ang mga lugi sa Special Accounts na ginagawang pangngangari (assets) at pinapakita sa "monthly statement of its condition." Sinabi niya na ito ay labag sa "accepted accounting principles." Nais din malaman ni Pimentel kung bakit hinayaan ni Jobo Fernandez ang paglimbag (Print) ng maraming perang papel na mag-kapareho ang mga serye na nagpalala sa labis na paggastos noong "snap election." Hindi malaman kung magkano talaga ang nilimbag na sobrang pera. Ayaw magsalita si Jobo at ang CB. Sa batas ng CB, si Jobo bilang gobernador ang namamahala sa ginto. Maari niyang ibenta ito sa gaano mang halaga, sa kanino mang namimili, sa kung kailan niya gustong ipagbili at kung kanino niya gustong ipagbili. Walang sinumang maaring pumigil o magtanong sa kanya, kahit na ang kongreso ng Pilipinas. Pinuna rin si Fernandez dahil sa hindi niya pagbitaw ng kanyang pag-aari sa Far East Bank kung saan dapat ayon sa batas ng CB. Hindi na lingid na magmula ng siya ay maupo bilang gobernador, naging mabilis ang pag-unlad ng Far East Bank. Marso 1988 Sa isang pakikipagkita kay Komong Sumulong (tiyuhin ni Cory Aquino) at kay Ding Tanjuatco (pinsan ni Cory) iminungkahi ni Marcos na kung siya at ang kanyang pamilya ay papayagan bumalik ng Pilipinas, ibibigay niya sa pamahalaan ang $15 bilyon- ang $ 5 bilyon ay para sa mga infrastructure, $5 bilyon para mabawasan ang utang na panlabas (foreign debt) at ang $5 bilyon para sa pamilyang Aquino dahil sa hirap na tiniis nito. Natawa lamang si Tanjuatco. Hulyo 11, 1988 Sinabi ni Marcos kay Allen Weinstein ng Center for Democracy na ipapakita niya na siya ay tapat sa kanyang sinabi sa pamamagitan ng madaliang paglilipat ng kanyang mga deposito sa Swiss bank accounts sa pamahalaan ng Pilipinas. Nang ito ay mabunyag sa publiko, ikinaila ni Marcos na sinabi niya ito. Disyembre 08, 1988 Umuutang si Marcos kay Enzo (Zobel) ng $250 milyon. Sinagot ni Enzo na siya ay walang ganoong kalaking pera ngunit tinanong niya si Marcos na kung sakali man na may mag-pautang sa kanya (Marcos) paano naman niya ito babayaran. Tinawag ni Marcos ang kanyang nars na si Teresita Gallego na dalhin sa kanya ang isang folder na ang kapal ay isang dangkal at kalahati at punong-puno ng mga sertipiko ng deposito ng mga ginto na nakatago sa mga bangko sa buong mundo- sa Switzerland, Monaco, sa Vatican, sa Bahamas, atbp. Alam ni Zobel na nagpapalabas na si Marcos ng ginto sa Pilipinas simula ng martial law at walang nakapagpigil sa kanya. Bilang isang piloto maraming kilala si Enzo na mga piloto rin na nagkukuwento tungkol sa mga eroplanong C-130 na kargado ng mga ginto patungo sa Zurich. 1988 Si Nandeng Pedrosa, anak ng dating naging kalihim ng kagawaran ng pananalapi ay nasa Taipei bilang isang consultant nang kanyang makilala si Robert Kerkez na kasalukuyan nakikipagnegosasyon tungkol sa bentahan ng ginto-isang sertipikong ng ginto na tumitimbang ng 50 m. t. Samantala, sa Maynila naman, inimbita ng PCGG ang isang retiradong koronel at dalawang banyaga na nagbibili ng maraming bareta ng ginto na pinaniniwalaan kasama sa mga ninakaw ni Marcos. Isa sa mga banyagang ito ay si Kerkez at ang isa naman ay si Ibrahim Dagher. Disyembre 1989 Ang isang hurado ng Estados Unidos ay naghatol na pagbayarin ang mga Marcos ng bayad-pinsala dahil sa pagkamatay nina Gene Viernes at Silme Domingo, mga aktibistang kalaban ni Marcos. Tumestigo laban kay Marcos sina Manglapus, Psinakis, Gillego at iba pang mga pinatapon (exile) sa America. 1990 Pinalitan ni Joey Cuisia si Jobo Fernandez bilang gobernador ng Central Bank. Rekomendado ni Jobo si Joey. Noong dinidinig ang confirmation sa senado, hindi sumasagot si Jobo sa mga tanong ni Sen. Romulo at Saguisag tungkol sa kung magkano talaga ang utang ng Central Bank. Noong patuloy siyang tinatanong inamin na niya na kahit ang Pangulong Cory at ang mga kabinete nito ay hindi pina-a-alam ang mga detalye tungkol sa utang na panlabas (foreign debt). Sa pag-aaral ng ginawa ng isang government -commissioned UN study na bangkarote na ang Central Bank ay itinago ng NEDA sa pangulo at sa departamento ng pananalapi. Isang may sama ng loob na empleyado sa NEDA ang nagpalabas ng impormasyon ito sa pahayagan. Marso 27, 1990 Isa pang bentahan sa ginto ang lumitaw. Dahil sa natatakot si Geoffrey Greenless, isang British national na hindi palabasin sa Pilipinas, inamin nito na siya ang nag-asikaso para makabili ng ginto. Pinakita nito ang tatlong pahinang kasunduan ng bilihan ng hindi lamang 2,000 metric ton kung hindi hanggang 19,000 metric ton. Sinabi pa niya na ang negosasyon ay nagsimula pa sa Maynila ng ipakilala siya ng isang babaeng nangangalang Margaret Tucker kay Victor Santos, isang abogado. Si Victor Santos ang kinatawan ng nagbebenta. Natawag ang pansin ng pamahalaan sa pangalan Margaret Tucker. Ito ang alyas na ginamit sa Europe ni Edna Camcam, nobya ni Fabian Ver. Disyembre 1990 Pinagtibay ng Federal Tribunal (Supreme Court) ang kahilingan ng PCCG na makumpiska ang lahat na bank account na nasa pangalan ni Imelda o ni Marcos na pansamantang naka-frozen. Ang na-identify ng Operation Big Bird na mga account ay nagkakahala na ng $356 milyon. Mayo 1991 Sinabi ni Castro ng PCGG na mayroon natagpuan ginto na tumitimbang ng 325 metric tons sa Switzerland. Ito umano ang mga ginto na pinalabas ni Marcos sa Pilipinas. May mga tatak ang nasabing mga bareta ng Central Bank of the Philippines at ito ay nakatago sa isang "vault" sa isang bodega na pinamamahalaan ng Union Bank sa J.M.Kloten airport na malapit sa Zurich. Ang ginto ay nasa vault number 88-RW-RP at account no. G72570367-d-UBS. Nilabas din ni Castro ang mga dokumento na nakatala ang mga serye ng mga bareta ng ginto na inilabas sa planta ng Central Bank noon 1983 at 1984.Hindi ito kasama sa opisyal na imbentaryo ng Central Bank.Ipinakita rin niya ang mga kopya ng pagtanggap na pinirmahan ni Tomas Rodriguez na operations manager naman ng Tamaraw Security Agency. Ang Tamaraw ay pag-aari ni Ver. Ayon pa kay Castro, nakausap na rin daw niya ang mga piloto ng eroplanong naghatid nito sa Switzerland makaraan mabaril si Ninoy noong 1983. Nobyembre 04, 1991 Ngayon araw na Linggo, dumating ang sirko. Ang Swiss Federal Tribunal ay nag-atas sa isang hatol na dapat ang pamahalaan ay sumunod sa European Convention on Human Rights lalo na sa "due process." Kailangan maghain ng demanda sa loob ng isang taon. Kaya ang Solicitor General ay naghain ng sari-saring demanda laban kay Imelda. At dahil dito napilitan ang pamahalaan na payagan na si Imeldang umuwi ng Pilipinas. "Umuwi akong isang pulubi", ang paiyak na sabi ni Imelda. Pagkatapos nito, tumuloy na si Imelda sa kanyang tinutuluyang suite na binabayaran ng $2,000 sa bawa't araw sa Philippine Plaza Hotel at umupa pa ng 60 silid para sa kanyang mga amerkanong abogado, amerkanong guwardiya at mga amerkanong PR firms. Disyembre 1991 Patuloy na nalulugi ang Central Bank- ang lugi ay umaabot na ng P324 bilyon sa mga special accounts (MAA, RIR, ESAA). Hunyo 26, 1992 Si Imelda at si Bongbong at ang PCGG na pinamumunuon ni Castro ay pumirma ng mga kasunduan tungkol sa mga kayamanan ni Marcos at ang ginagawang paghahabol ng pamahalaan sa mga ari-arian ng mga Marcos. Ito ay pinawalang-bisa ni Gunigundo matapos niyang palitan si Castro bilang chairman. Setyembre 1992 Hinatulan si Marcos na may-sala (guilty) sa salang paglabag sa karapatan-pantao ng 10,000 biktima. Ito ay makaraan mahatulan may-sala rin si Imee Marcos-Manotoc sa salang pagpahirap (torture) at pagpatay kay Archimedes Trajano, isang 21-anyos na engineering student ng Mapua na nagkaroon ng tapang magtanong sa kay Imee sa isang pulong kung bakit kailangang isang anak ng pangulo? ang mamuno sa Kabataang Barangay (isang national youth group). Nobyembre 30, 1992 Nalulugi ang Central Bank ng P561 bilyon at lumalaki pa ang kalugian. Hiniling ni Cuisia sa Senado na mag-restructure ang CB. Hiningi naman ni Sen. Romulo na makita ang 1983 awdit ng International Reserves (kung saan naroon ang kuwentada ng ginto) subali't hindi siya pinagbigyan. Ito raw ay "restricted". Enero 05, 1993 Hindi sumipot si Imelda para pumirma sa bagong kasunduan sa PCGG. Pabago-bago si Imelda sa mga hinihingi niyang kundisyones - na hayaan pa siyang magbiyahe sa loob ng tatlumput tatlong araw para kausapin ang mga opisyal ng mga bangko sa Switzerland, Austria, Hong kong at Morocco para sa paglilipat ng mga "frozen funds." Ang totoo, inaasahan ni Imelda na si J.T.Calderon ang kanyang inatasan tao, na maialis ang pondo sa sandaling matanggal ang order bago pa magkaroon ang pamahalaan nang pagkakataon na mailipat ang pondo sa Maynila. Nang malaman ito ng pamahalaan, kinansela ang lahat na negosasyon kay Imelda at hindi siya hinayaan makaalis ng bansa. Hunyo 04, 1993 Isinilang ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ayun sa bagong batas, ang R.A. 7653. Ang lumang Central Bank ay naging CB-Board of Liquidators (CB-BOL) upang magsara ito. Mga P280 bilyon utang lamang ang inako ng BSP sa buong utang ng CB na P612 bilyon. 1994 Ang hurado ng Karapatan-pantao (human rights jury) ay ginawad sa mga biktima ang $1.2 bilyon para sa exemplary damages, $766.4 milyon sa compensatory damages, sa suma total na $1.964 bilyon. Pagkaraan ng dalawang araw, iginawad naman sa isang hiwalay nakaso ang $7.3 milyon sa mga 21 biktimang Pilipino. 1995 Pinagtibay ng US Supreme Court ang hatol na $1.2 bilyon bayad-pinsala. Hulyo 1996 Dahil sa pagpapahirap (torture) kay Roger Roxas, may bayad-pinsala rin ang kanyang Golden Buddha Corporation sa halagang $22 milyon. Hulyo 16, 1999 Sa isang pitong pahinang "brief" na may petsang Pebrero, 1999 (Civil Case # 0017), pinakukumpiska ng PCGG sa Sandigangbayan ang mga ari-arian ni Bobby Ongpin na umano'y nakaw-na-yaman (ill-gotten wealth) at ang mga ari-arian ni Marcos at ni Ver. Akusado rin ang mga operators ng Binondo Central Bank na bumili ng milyon-milyong mga dolyares at ipinadala sa labas ng bansa para i-deposito sa mga bangko doon, na ang mga dolyares na ito ay para lamang sa kanilang sarili at kay Marcos at ito ay naging sanhi ng isang mabigat na pamiminsala para sa sambayanang Pilipino ( to the grave damage and prejudice of the Filipino people). Hinihingi rin ng PCGG sa korte na pagbayarin ang mga BCB operators ng P51 bilyon bilang bayad-pinsala (moral damages) sa ginawang panlalalang o pandadaya sa taong-bayan (defrauding the Filipino people). Ang iba pang akusado ay si Edna Camcam, ang kabit ni Ver, at si Vinnie James Yu ng PASAR sa pagtatatag ng isang "joint-venture" sa isang HK-based Triad Asia Ltd. ng Triad Holding Corporation na kung saan napilitan ang pamahalaan na mag-ambag ng milyon-milyong dolyares sa kapinsalaan ng pamahalaan at ng sambayanang Pilipino. Sa araw-araw na operasyon ng BCB humigit-kumulang sa lima hanggang walong milyong dolyares ang nagpapalit-palit ng kamay at mga $5 milyon ang ipinalalabas sa bansa sa pamamagitan ng mga pribadong eroplano o sa regular na lipad ng mga commercial planes na may kasama pang military escorts. Maraming beses din na may mga bareta ng ginto ang laman ng mga kargong ito. Inamin ni Bobby Ongpin na ang mga dolyar na hindi naipagbili ay ipinapasa sa PASAR kung saan ito namang huli ay ipinagbibili rin sa Central Bank. Hindi niya ipinaliwanag kung bakit kailangan pang umikot at padaanin sa PASAR ang bilihan. Dahil dito malaki ang naging tubo ng PASAR sa mga dolyar na transaksiyon. Ito ba ang kapalit o bayad sa PASAR sa pagbebenta nitong huli ng kanyang produktong mga ginto at pilak? at para kanino ang mga produktong ito? Sa operasyon ng BCB ang mga operators ay may 20 sentimong tubo sa bawa't dolyar at sinabi pa ni Ongpin na na matapos ang BCB ang mga operators ay tumubo ng milyon-milyon salapi. Sinabi rin niya na wala siyang ginawang bawal o ilegal. Pinanumpaan niya na ang operasyon BCB ay nakapagdagdag ng $400 milyon dolyares sa foreign exchange reserves ng Central Bank at dapat na ito ay ipagpasalamat sa kanya ng buong sambayanang Pilipino. Sa ngayon, ang PCGG ay hindi naniniwala dito. Sa kasalukuyan, ang mga aktibistang imbestigador ay nagsisimula nang masusing pagsisiyasat sa mga gawain at kalikasan ng Belle Resources Corporation na siyang pinag-bigyan ng karapatan mag-operate ng electronic-gambling (Bingo!) sa buong kapuluan dahil sa alegasyon na ito ang perang mula sa BCB at ngayon ay pinupuhanan at bumabalik upang lalong lumago. Agosto 10, 1999 Sa araw na ito nagsisimula na ang Blue Ribbon Committee ng Senado na pinangungunahan ni Sen. Aquilino "Nene" Pimentel sa imbestigasyon ng $13.2 bilyon "I.Arenetta" account at ang mga ginto ni Marcos, samantalang sa malayong Switzerland isang imbestigasyon din ang ginanaganap- ang di-umano'y pagsasabwatan at ang money-laundering ng mga opisyal ng Swiss sa lihim na yaman ni Marcos at ang mga ginto nito. 2000 Saan nagtungo ang mga salapi? Noong matagal na panahon? Saan nagtungo ang mga kayamanan? Matagal na panahon? |