Maniwala ka o Hindi: Ang Mga Tunay na Pangyayari, Karanasan at Pamamaraan tungkol sa Pinakamalaking Nakawan sa kasaysayan ng Mundo

Isang kronolohiyang Pagsasalaysay
ni
CHARLIE AVILA

Isinalin ni Erlinda Villamor Bagas




Setyembre 09, 1983

Sa araw na ito, 247,400 onsang bareta ng ginto ang pinadala mula sa Maynila papuntang London, KLM Flight 864. Ito ay pinadaan sa Amsterdam. Ayon sa mga papeles na nagdedetalye ng shipment, ang ginto ay nakapaloob sa 62 kahon at tumitimbang ng 3.02 metrikong tonelada.

Sa buwan ding ito, isang biyahe ng KAL na manggagaling sa Maynila papuntang Zurich via Bahrain ay hindi natuloy. Hindi nakalipad ang eroplano dahil sa bigat ng dalang ginto.


Oktubre 14, 1983

Lumipad papuntang New York sina Laya at Virata para makipagkita sa sampung lideres ng mga bansa para ipaalam sa kanila na hindi na kayang bayaran ng Pilipinas ang utang nito na umabot na sa - Ano? $18.1 bilyon? Hindi! $19.1 bilyon? Hindi! $24.6 billion! Ang "international reserve" ng Pilipinas ay hindi $ 1.43 bilyon, ayon sa ulat. Ito ay bumaba na sa $430 milyon. Humingi sila ng ekstensyon at panibagong schedule sa kanilang pagbabayad.

Alam ng mga bangko na ang turing ni Marcos sa Central Bank ay parang sarili niyang pag-aari. Umabot sa $400 million ang nalugi dahil sa "capital flights" o paglalabas ng dolyar sa bansa.

Hindi lamang itinatago ng Central Bank ang tunay na kalagayan ng bangko, kundi naglalagay na lamang ng kung anu-anong "figures" sa kanyang pagtutu-os (accounting).


Nobyembre 1983

Habang pabagsak ang ekonomiya matapos mapatay si Ninoy, ang "capital flight ay nag-average ng $5 million sa isaw araw. Tinawagan ni Marcos si Velasco sa PNOC at pinautang ng $200 milyon para ideposito sa Central Bank. Humingi ng tulong si Laya sa mga pinuno ng korporasyon upang magdeposito sa CB ngunit wala nang maniwala sa kanya. Ang walang habas na pamimili at pagwaldas ni Imelda ay alam na at napabalita na sa buong mundo.

Kailangan gumawa si Marcos ng paraan tulad ng paggamit ng "sarili niyang pera."

Sa panahong ito si Marcos ay may $115.5 million sa Avertina Foundation sa Credit Suisse Bank, na dalawa lamang sa labing-dalawang niyang bank account.

Pitumput limang milyong dolyar na halaga ng "Treasury Notes" ang binili ng Artina Foundation sa pangalan ng tatlong bangkong Swiss: Bank Hoffman - $14 milyon; Swiss Bank Corporation - $10 milyon; at Paribas - $15 milyon.

Bumili rin ang tatlong bangkong ng $41.4 milyon: Security Bank - $14 milyon; UCPB - $ 26.4 milyon; at Philippine Bank of Communications - $ 1 milyon. Ang tapat na kaibigang si Antonio Floirendo ay bumili rin ng $2 milyon. Kasabay nito ang pagpahayag ng Central Bank na patuloy silang nagbebenta ng ginto - 1, 557,000 onsa - upang maibsan ang malubhang problema sa pananalapi.


Nobyembre 1983

SA Elks Club sa Makati (sa isang pagtitipon), inimbitahan ni Fabian Ver ang mga pinuno ng sindikato ng eight money changing syndicates - na ang mga pangalan ay hindi na sikreto: Jimmy Chua, Raffy Chua, Benito Penalosa, Go Pok, Catalino Coo/Lito Lliege, Peter Uy, Sio Lim, at Wilson Chua. Inaresto ang mga ito at ikinulong. Sa kulungan pinaliwanag sa kanila na maaring bumalik ang kanilang pagbebenta ng dolyar ngunit sa presyong itatakda ng pamahalaan. Dito nabuo ang Binondo Central Bank sa pamamahala ni Ver at ang grupong ito na mga black marketers ang nagpapalakad nito.

Ginawa ang E.O. 934, ang Presidential Anti-Dollar Salting Task Force o Operation Luntian ay binuo sa pamamahala ni Roberto Bobby Ongpin. Ang mga sindikato ay nagpatuloy sa kanilang operasyon, nagpalago at lumaki ang kita ngunit kailangang makisama sa gobyerno sa pamamagitan ng pagbili at pagbebenta sa halaga na dinidikta ng gobyerno.


Nobyembre 16, 1983

Binili ang 200 Madison Ave. sa halagang $50.500 milyon. Ginamit ang Glockhurst Corporation na binili naman kay Harry Helmsley. Si Rico Tantoco ang may hawak ng "shares" na sa kalaunan ay ay pinalitaw nilang pag-aari umano ni Khashoggi.


Nobyembre 18, 1983

Habang nagkukulang ng dolyar ang Pilipinas at alam na ng buong mundo bilang isang mahirap na bansa, si Imelda naman ay naging bantog sa taguring "one -woman balance -of- payment problem", isang saykopatik na tagawaldas ng pera ng kanyang bansa, mula sa pamimili ng pulseras na Bulgari hanggang sa mga mani ng Macademia.

Namili siya ng mga lupa sa New York at nag-bayad ng $181.5 milyon. Habang ang Central Bank naman ay hindi makapagbayad ng mga utang panlabas nito, si Imelda naman ay nagbayad ng down-payment na $50.5 milyon para sa lupa sa 200 Madison Avenue sa Manhattan, bumili ng $200,000 para sa diyamanteng pulseras, $360,000 para sa isang antigong alahas, $19,400 sa mga tuwalya, kubrekama, mga nightgowns at mga mantel sa Bloomingdales at nag-kautang pa ng $18,400 sa Waldorf Astoria. Lahat ng dolyares ay nanggaling sa Philippine National Bank at Central Bank, samantala sa Pilipinas ang mga pabrika ay hindi maka-angkat ng mga imported na gamit at marami sa mga ito ang nagsara. Marami ang walang trabaho at nag-aaklas na ang sambayanan.


Nobyembre 24, 1983

Isang nangangalang Jose-Cruz-Cruzal na galing ng Maynila ang inaresto sa international airport ng Seattle-Tacoma dahil sa nakuhang isang plastic bag na itinago nito sa kanyang likod. Ang plastic bag ay naglalaman ng mga papeles na nagsasabi na si Marcos ay umuutang ng bilyon bilyon dolyares sa mga bangko sa pamamagitan ng isang amerkanong si Frank B. Higdon na nakatira sa Virginia. Ang kolateral sa inuutang umano ay mga "floors of gold" na nakatambak sa isang bangko sa Manila.


1983

Inamin ni gobernador Laya ng Central Bank na pinalobo nito ang balanse ng foreign reserves para makautang. Dahil dito, tinanggal siya ni Marcos bilang governor ng Central Bank at ginawang ministro ng DECS na parang gawing halimbawa ang mga taong katulad ni Laya at gawing sagrado ang mga pandaraya?


Hunyo 27, 1984

Matapos ang iskandalo sa international reserves ng CB, pinalabas ni Marcos ang PD 1937 na binabago ang 10 -taon para-I-amortize ang mga gastusin na nasa MAA accounts. Bago ang batas na ito, binabawasan ng 10 porsiyento ang MAA bawat taon. Sa ilalim ng batas na ito, magbabawas lamang kung sapat ang kinita ng bangko, kung kaya nito lamang. Dahil dito, ang lugi nitong umaabot na sa P100 bilyon o mahigit na apat na doble sa mga nawawala sa international reserves ay hindi mabawas-bawasan. Ang lugi ay hindi lumilitaw na lugi sa libro ng CB sa halip ito ay mga pangangari (assets)! Ang mga gastusin na inilalagay sa MAA ay di-umano'y hindi pangkaraniwan (extra-ordinary) at ang Central Bank lang ang nakaka-alam kung ano ang mga ito kung kaya hindi masuri at malaman ng publiko kung anong mga "extra-ordinary expenses"ito. Ito ba ang mga ginastos noong halalan ng Mayo 14? o ito ang mga perang itinago sa abroad? Anu-ano ang mga binawas mula sa tubo ng Central Bank para sa taong 1984 at 1985 na mula sa MAA account?


Mayo 14, 1984

Eleksyon. Labing-isang mga tao sa Langoni, Negros Occidental ang dinampot, ipinarada sa kabayanan nang nakatali ang mga kamay sa kanilang likod at dinala sa PC Headquarters. Sang-ayon sa mga nakasaksi, pinagbubugbog ang mga ito at pagkatapos dinala ang siyam sa kabukiran at pinatay. Hindi malaman kung ano ang nangyari sa dalawa pang naiwan.

Nagpadala ang American Committee for Human Rights ng misyon at itinala sa kanilang mga ulat na ikatlo hanggang kalahati sa mga taong hinuhuli ng mga militar ay tinotorture, sangayon sa United Nations Declaration on Torture.

Ang TFDP (Task Force Detainee of the Philippines) ay nakapagdukumento na ng mga rekord at kaso ng pag-torture, 5531- summary execution (salvaging)-2,537, mga nawawala (desaparesado)-783, illegal arrests-92, 607. Lahat ito ay sa ilalim ng batas-militar.

Tumestigo ang dating ambassador na si Stephen Bosworth na sinabi raw ni Marcos na alam niya (Marcos) na mayroon ngang mga tortures at pagaresto pero ito ay kasama sa interrogation process at ang mga taong ito ay mga komunista.


Enero 10, 1984

Naging gobernador ng Central Bank si Jose "Jobo" Fernandez, dating pangulo ng Far East Bank of the Philippines. Pinalitan niya si Laya.


Agosto 1984

Itinala ng IMF na pinalaki ng Central Bank ang kanyang "reserves" sa mga taong ito: 1981-$264 milyon, 1982-$823 milyon, 1983-$1.2 bilyon. Ang total na reserves ay bumaba ng hanggang $1.4 bilyon sa buwan ng Hunyo at Disyembre ng taon 1983. Ang gustong sabihin nito ay wala ng saysay ang mga pangangari ng Central Bank at hindi na ito makapagbayad ng utang-panlabas (foreign debt). Ayon kay Bobby Ongpin may higit na $2 bilyon ang lumabas sa bansa noong 1984 at $1 bilyon naman noong 1983.

Ano ang papel na ginagampanan ng kinatawan ng IMF tungkol sa problema ng gold reserves? Ang kinatawang ito ng IMF ay nakatira sa isang mansiyon, kumpleto sa gamit at kotse may unipormadong driver at lahat ng ito ay sagot ng Central Bank mula pa noong 1970. Kakutsaba ba siya ng Central Bank para palsipikahin ang anumang kuwentada ng international reserves?


Pebrero 08, 1985

Dalawang tesorero ng munisipyo ang hinatulan ng Sandiganbayan ng dalawangput apat (24) na taong pagkabilanggo at ang isa naman ay dalawangput anim na taon (26) dahil sa pagdispalko ng ilang daan salapi lamang.

Samantala, nagtala naman ang mga Marcos sa kanyang income tax returns ng pag-aaring nagkakahalaga ng $7,000 noong sila ay naging Unang Pamilya noong 1965. Ilan bilyong dolyares na kaya ang kanilang pag-aari noong tumakas sila sa Pilipinas?

Ito ang dahilan kung kaya tinagurian si Marcos sa Guiness Book of Records bilang the "world's greatest thief."


Hunyo 1985

Ang world media, partikular na ang San Jose Mercury News, Far Eastern Economic Review, New York Times, Wall Street Journal, the Nation kasama na ang mga oposisyon sa abroad ay nagtulung-tulong upang mabunyag ang mga nakatagong bilyon at paglimas ng kayamanan ng Pilipinas.


Agosto 1985

Habang mainit na tinatanggi ni Marcos ang iskandalo ng nakatagong bilyon isang lihim na transaksiyon ng bentahan ng ginto sa Israel ang nagaganap. Naghahanap si Oliver North ng pondo para sa Contras ng Nicaragua at kung makakakuha siya ng komisyon sa bilihan ng ginto mayroon siyang $5 milyong pondo para sa Contras. Nang malaman na si Ver ang nagbebenta ng ginto hindi na siya nagdaan pa sa mga "Israeli middlemen."


Oktubre 1985

Isang telegrama ng Interpol ang nagsasabi na tatlong kahina-hinalang kargamento- isang naglalaman ng ginto at dalawang kahon ng pilak (silver) ang nagmula sa Central Bank. Matunog ang hinala na ang mga Marcos ay nagsisimula ng magbenta ng mga ginto at pilak para maideposito ang benta sa kanilang mga account sa Switzerland. Isang Bill of Lading ang nagsasaad na 244 baretang pilak (silver bars) na tumitimbang ng 8.202 kilos ang tinanggap ng First United Transport noong ika- 11 ng Oktubre na inihatid sa pantalan na may mga bantay na Presidential Security Command sa pangunguna ni Ver.


Nobyembre 01, 1985

Natagpuan ang bangkay ni Dr. Potenciano Baccay na tadtad ng saksak sa kanyang sariling van. Ang naging kasalanan ng doktor ay ang pagbubunyag niya sa Pittsburg Press na tutuong nagkaroon ng dalawang kidney transplant si Marcos. Pagkaraan ng dalawang araw ipinakita ni Marcos na siya ay walang sakit at kaya niya kahit na magkaroon pa ng snap election na gagawin sa ika-7 ng Nobyembre, 1986, sa kabila ng mahigpit na pagtutol ni Imelda dahil si Marcos ay aniya " not in the best of health at galit ang mga tao, maaring maging delikado ang pagkakampanya.


Disyembre 1985

Ang Pilipinas ay tumatanggap ng aid funds subalit ito ay hindi nagagamit para sa kaukulang programa. Noong may babayaran sa Treasury Notes na nakasanla sa First Chicago International sa account ng Lombard at kulang ang pondo ng Federal Reserve Bank, sa pondo ng USAID projects kumuha ang Central Bank ng $15 milyon at ang kinuhang pondo ay mula sa $45 milyon ng USAID funds. Naging karaniwan na ang pag-gamit ng aids fund sa ibang gastusin ang Central Bank.


1985

Sa mahigit na sampung taon ng pamamahala ni Imelda ng Metro Manila Commission nagkaroon ito ng utang na P1.99 bilyon kasama na ang $100 milyon inutang sa labas. Walang nagawa ang MMC- bukod sa maraming mga tao ang nabigo at nawalan ng pag-asa sa mga pangako ni Imelda.

Ang insureksiyon ay lalong lumaganap, lumalaki hanggang 20 porsiyento bawat taon.

Naging mababa rin ang morale ng nasa militar dahil sa hindi pantay na pagtingin ni Marcos- ang pag-promote ng kanyang mga piling kaibigan sa halip ng mga karapat-dapat.


Nobyembre 1985

Dahil sa mga reports ng mga anomalya sa pamahalaang Pilipinas, pinaimbistigahan ni Senador Edward Kennedy ang mga tulong-programang pang-ekonomiya at militar ng bansang Estados Unidos. Nag-imbistiga ang US General Accounting Office at nalamang na $92.500 milyon ang nawawala sa non-project ESF funds at $227 milyon naman ang nagamit sa ibang bagay. Nalaman din na ang nagpalsipika ng mga papeles para sa rehabilitasyon ng mga power lines na sinalanta ng bagyo ang National Electrification Administration sa halagang $1.45 milyon sa payroll (padded payroll) bukod pa rito ang $108,441 na mga pekeng vouchers.


Disyembre 03, 1985 - Pebrero 19, 1986

Bago magrebolusyon sa EDSA naglipat ng halagang $94 milyon sa tatlong Swiss Banks (Banque Hoffman, Societe de Banque Suisse at Union de Banque Suisse) sa Transammonia AG, sa Zurich at Geneva at sa Commerzbank sa Luxembourg.

Saan galing ang mga perang ito? sa gold accounts sa abroad? Hindi masagot ng Central Bank ang mga tanong na ito. Sa katunayan, itinago ng mga namamahala ng banko ang kanilang kalugian sa pamamagitan ng restructuring ng mga lumang utang. Magkano ba talaga ang nanakaw at binura sa pamamagitan ng tatlong special accounts (ESAA, MAA, RIR)? At magkano ba talaga ang nanakaw sa mga ginto sa International Reserves? Mayroon pa bang pagdududa na ninakawan ang Central Bank? Kung ganoon, magkano ba talaga ang total na halaga ng mga ninakaw?

Ang "Jobo Bills" ay pinalabas upang makatulong sa Binondo Central Bank na itinatag ni Marcos at Ongpin para madagdagan ang reserba/dolyares ng Central Bank.Pina-asa ni Ongpin ang mga malalaking dollar traders na mas malaki ang kanilang tutubuin kung bibili ng Jobo bills dahil mataas ang ibibigay na interes dito. Dahil wala namang batas na nagbabawal ng money- laundering (isang paraan kung saan ang perang naipon sa ilegal na paraan ay maaring maging lehitimong puhunan) hindi naging mahirap ang pagpasok ng ganitong klaseng pera sa pinansiyal na sistema ng Pilipinas. Ang Far East Bank, Philam at ang AIG ay tumubo ng malaki sa pagiging ahente nito mga jobo bills. Ito ang simula ng pagpasok ng tinatawag na "hot monies" sa ekonomiya ng bansa.

Ang Jobo bills ay maiksi ang taning (short term) at pinakahuwaran na paraan ng pag-lalaunder. "Heavy soaping" o ang pag-mature na ng Jobo bills, pamumuhunan at pagpapalit sa iba't-ibang instrumento pangpinansiyal (financial instrument) kagaya ng dollar TTs (telegraphic Transfers) ay naging mabisang paraan at ito ang ginamit ng Far East.

Nangyayari ang lahat na ito samantalang si Juan de la Cruz ang magpapasan ng mabigat na krus ng pagbabayad ng buwis ng mabangkarote ang Central Bank dahil dito sa Jobo bills.


Pebrero 16, 1986

Sa listahan ni Fe ng mga ginastos noon pangangampanya ni Marcos isang malaking halaga ang awtorisado ni "FL" (First Lady) ang ibinigay kay Assemblyman Arturo Pacificador sa araw na ito. Makalipas ang ilang araw, dalawang kargadong sasaksayan ang pumunta sa San Jose, Antique, kung saan si Evelio Javier, ang campaign lider ni Aquino, ay nagmamasid ng pagbibilang ng boto. Si Javier ay pinaulanan ng bala at dagling namatay matapos itong masakote sa isang pampublikong palikuran sa harap ng mga tao. Si Pacificador ay nahatulan ng pagpatay kay Javier.


Pebrero 25, 1986

Nang tumakas si Marcos, ang kanyang iniwan utang na panlabas (foreign debt) ay $27 bilyon at isang magulong burukrata.ng kanyang iniwan. Ang "cash advances" para sa halalan na nakatala sa "national treasury" ay umabot sa P3.12 bilyon ($150,000). Naglimbag ang Central Bank ng milyong-milyon pera at marami rito ang pare-pareho ang serye. Animnapung (60) milyon piso ang natagpuan sa isang sasakyan na pag-aari ni Bejo, ang kapatid ni Imelda sa Port Area sa Maynila at P100 milyon naman ang natagpuan sa MV Legaspi na pag-aari rin ni Bejo Romualdez. Kung gaano kalaki at kalawak ang mga ninakaw ng mga Marcoses ay malalaman sa mga nawala at nalugi sa mga ito:

Sa Central Bank- ang nawala ay $1.2 bilyon sa International reserves at $6 bilyon naman sa Special Accounts (MAA,RIR,ESAA)

Sa PNB o Philippine National Bank-Ang ginagastos ni Imelda sa kanyang pag-shopping ay ibinaon ng PNB sa "unresponded transfers".

Ginamit din ni Ver ang pondo ng PNB sa kanyang "intelligence operations."

Ang lugi ng PNB ay P72.1 bilyon.

Sa DBP, ang iniwan ni Marcos na lugi ay P85 bilyon, sa Philguarantee, P6.2 bilyon at sa National Investment and Development Corporation (NIDC) P2.8 bilyon.

Karamihan sa mga luging ito ay dahil sa "cronyism"-pag-papautang na kakaunti ang kolateral o walang kolateral, o kaya kulang sa puhunan (under capitalized) at ang inutang ay hindi naman nagamit sa dapat pag-gamitan. Gumamit din ng pamamaran na "corporate layering" kung saan ang dalawa o tatlong kompanya na iisa ang may-ari o incorporators at mga opisyal ay pare-pareho. Ang kumpanyang nag-pautang ay pinautang naman sa kanyang sariling kumpanya. Masaya ang mga kronis dahil malapit sila kay Marcos. Naging isang engrandeng kwalisyon (grand coalition) at kasama sila sa diktaturya ni Marcos nguni't sila at ang kanilang kayamanan ay pag-aari ni Marcos.

Dahil sa libre ang mga pagsakay ni Imelda at ang mga kronis, nagkautang ang Philippine Airlines ng $13.8 bilyon.

Ang konserbatibong estima ng mga iniwan kalugian ni Marcos (at ito ay maaring suma total na kanyang nanakaw at itinago) ay umabot ng $17.1 bilyon.

Kailangan ng awdit ang Central Bank, PNB at ang iba pang pinansiyal na institusyon. Ang especial na pagrepaso (hindi ang regular na awdit dahil wala naman talaga ito at kung mayroon man, walang record dito) ay hindi nasabi ang tungkol kay Imelda, ni hindi nabanggit ang kanyang pangalan at ang pondong pang-intelligence ni Ver.

Sa pagrepaso (review) ay hindi nagbanggit ang mga ninakaw o ng nawawalang salapi. Ang binanggit lamang ay "downward adjustments" at "proposed adjustments" at "deficiencies" at "shortages of money."


Pebrero 26, 1986

Makalipas ang ilang oras matapos dumating sa Honolulu ang mga Marcoses, dumating din ang kanilang mga bagahe-300 karton na isinakay sa C-141 cargo jet. Dalawangpu't limang (25) opisyal ng custom ang inabot ng limang oras sa paglalagay ng tag sa mga bag at pagsiyasat ng mga laman nito. Naka-video taped ang pagsisiyasat dahil sa sobrang dami ng pera at mga alahas na laman ng mga karton.

Ang mga alahas at gawang- sining ay nakalagay sa 278 na kahon at nagkakahalaga ng $5 milyon. Dalawangpu't dalawang (22) kahon naman ay naglalaman ng P27.7 bilyon na bagong imprentang salapi, mga dadaaning perang nagkakahalaga ng $1.27 bilyon. (Bawal magdala palabas ng bansa ng perang mahigit sa P500).

Marami rin mga sertipiko ng deposito ng mga bangko sa Pilipinas na nagkakahalaga ng $1 milyon, limang baril, 154 video tapes, 17 cassette tapes at 2,068 na mga dokumento- lahat na ito ay kinumpiska ng customs. Iniwanan lamang sa mga Marcos ang $300,000 na ginto at $150,000 mga bearer bonds na nasa kanilang mga personal na bagahe dahil ito ay kanilang ideniklara at wala silang nilabag na batas sa customs.

May mga 24 baretang (1 kilo/bareta) ng ginto na nakapaloob sa isang Gucci brief case. Ang briefcase na nagkakahalaga ng $17,000 ay may gintong buckle at may plaque na ang nakasulat ay "To Ferdinand Marcos, from Imelda, on the Occasion of our 24th Wedding Anniversary."




[ Previous | Homepage | Nextpage ]