Maniwala ka o Hindi: Ang Mga Tunay na Pangyayari, Karanasan at Pamamaraan tungkol sa Pinakamalaking Nakawan sa kasaysayan ng Mundo

Isang kronolohiyang Pagsasalaysay
ni
CHARLIE AVILA

Isinalin ni Erlinda Villamor Bagas




1981

Dahil sa kakulangan ng mga dolyares sa bansa, ang mga pribadong korporasyon ay hindi makapagbayad ng kanilang mga utang na panlabas (foreign loans). Gumawa ang Central Bank ng paraan- isa pang "special account"- ang "Economic Stabilization Adjustment Account" ang "isinilang." Ang Central Bank ang umakong magbabayad sa pagkakautang ng mga pribadong sektor- sa DOLYAR at ang huli ay magbabayad naman sa Central Bank sa PESO. Kung malaki ang halaga ng dolyar sa pamilihang mundo, inaako ng Central Bank ang kalugian. Ang kalugian (loss) ay pinapasok sa ESAA at binubura (written off) sa libro ng Central Bank. Sa ganitong paraan, sinagip ng Central Bank ang mga pribadong sektor (na mga Marcos cronies) sa paglugi samantalang ang tunay na nalugi ay ang sambayanan Pilipino.

Ang ESAA ay ang pangatlong tinagurian "Frozen Accounts- ang dalawa ay ang Monetary Adjustment Account (MAA) at ang Revaluation of International Reserves (RIR). Ang mga ito ay tinuturing na mga pangangari ( assets) sa kabila ng katotohanan ito ay mga gastusin (expenses). Sa account na MAA pumapasok ang lahat na binabayad para sa pag-imprenta ng papel na pera at paghulma ng mga sensilyong pera, pagbabayad ng mga interest at prinsipal sa mga katibayan ng pangungutang (CB Certificate of Indebtedness- CB bills kagaya ng "Jobo at Joey bills", CB Notes at CB bonds), bayaran para sa mga mangangalakal ng ginto, interes sa mga deposito ng mga bangko at iba pang mga gastusin susog sa batas ng Central Bank. Dahil sa ito ay tinuturing na pangangari kahit na ito ay gastusin, hindi ito kasama sa kuwentada ng tubo ng Central Bank. Ang RIR naman ay isang pangangari kung saan ang anumang kalugian o tubo sa mga pangangaring ginto o "foreign exchange" sa pamilihan panlabas ay ikinakarga at hindi rin isinasama sa kuwentada ng tubo. Dahil sa hindi naman malalaman kung lehitimong mga gastusin nga ito, naging tambakan ito ng kalugian ng Central Bank. Sinasabing dito kinakarga ang mga personal na gastos ni Imelda habang ito ay nag-sa shopping sa abroad. Ang tatlong account na ito ang naging sanhi kung kaya ang Central Bank ay "nalugi at isinara" noong July 2, 1993. Ang Central Bank ay naging Bangko Sentral ng Pilipinas.


Enero 1981

Dahil sa maliwanag na sinabi ng Santo Papa (Pope) na kailanman ay hindi siya tutungtong sa lupa ng isang diktador, napilitan si Marcos na alisin ang batas-militar. Buong bunyi niyang inihayag sa publiko na aalisin na niya ang martial law sa ika-17 ng Enero nguni't ang katotohanan ay dahil sa lumulubhang himagsikan sa siyudad (urban guerilla) at hindi tumitigil hanggang hindi inaalis ang batas-militar.

Pagod na rin si Licaros sa Central Bank. Hinayaan siyang magretiro isang taon pa bago matapos ang pangalawang termino niya bilang gobernador. Pumasok si Laya habang nagsisimula pa lang ang pinansiyal na Krisis sa bansa. Isang crony, si Dewey Dee ay tumakas at lumabas ng bansa pagkatapos mag-iwan ng utang na P635. milyon Ang mga utang na ito ay inutang ng walang kolateral kung kaya maraming naluging mga bangko. Dahil dito halong walang bangkong nagpa-utang. Pati ang ibang cronies ay nahirapan din ngunit tinulungan sila makabawi. May mga US$3 bilyon ang pundong ibinigay sa kanila para matulungan.


Enero 16, 1981

Inalis na ni Marcos ang batas-militar ngunit pina-iral naman ang PD 1834 at 1835 kung saan lahat na may mga kaso na kalaban niya sa politika ay hinatulan kahit na sila ay "in absentia." Kinumpiska rin ang mga ari-arian nito. Pati mga kritiko at mga peryodista ay maaring arestohin.


Pebrero 1981

Binili ng 7 Development Corporation ng New York ang may 12- ektaryang Lindenmere sa Center Moriches sa Long Island sa halagang $550,000. Ang pag-aari ay inilipat sa Ancor Holdings, isang kumpanya na kino-kontrol ni Floreindo noong Disyembre 1982. Pina-utang ng Ancor ang artistang si George Hamilton ng $1.5 milyon upang ibili ng mansiyon sa Summit Drive sa Beverly Hills noong 1982.


Pebrero 1981

Gumastos si Imelda ng $13 milyon para magpatayo ng isang bahay na gawa sa materyal ng niyog bilang pag-hahanda sa pagdating ng Santo Papa (Pope). Nguni't hindi nagustuhan nitong huli at tumangging tumira sa palasyong niyog.


Marso 10, 1981

Nag-utos si Imelda na isara ang Rayby Foundation at ilipat ang pangangari nito sa Trinidad. Pagkatapos ay isinara naman ang Trinidad matapos ilipat ang mga pangangari sa Fides Trust Company at sa Bank Hoffman sa Zurich. Noong sumunod na araw, inutos naman ni Marcos na isara ang Valamo at ilipat ito sa Fides , gayundin ang Verso inilipat din sa Fides.


Abril 1981

Binuwag ang Rayby Foundation.


Abril 1981

Sa hindi na mabilang na beses, pinahayag ni Marcos ang bagong konstitusyon na umano'y kagaya ng sa Pranses. Ngunit isinama naman niya ang isang batas na wala sa konstitusyon ng Pranses- ang probisyon na siya at ang mga opisyal ng gobyerno ay ligtas sa anumang pag-aakusa sa anumang kasalanan sa habang-buhay.


Mayo 1981

Apat na foundations pa ang itinatag-ang Vibur, Avertina, Spinus at Palmy.


Hunyo 1981

Binuwag ang Valamo.


Hulyo 1981

Tinatag ang programa ni Imelda- ang KKK o Kilusang Kabuhayan at Kaunlaran, isang programang pangkabuhayan. Kagaya ng iba pang mga programa, ang pundo nito ay hindi tinutu-os (no accountability). Nang malaunan ay nalaman na maraming mga kontraktor ang binayaran ng halagang P198 milyon o $10.5 milyon para sa mga "ghost projects."


Agosto 25, 1981

Sa pamamagitan niVilma Bautista sa New York, bumili si Imelda ng kuwintas na hugis- puso na may katernong hikaw sa halagang $1.1 milyong, isang ternong kuwintas at hikaw na may mga rubi at diyamante sa halagang $130,000 at isang kuwintas na may mga batong Egyptian corals at onyx sa halagang $255,000.


Agosto 27, 1981

Bumili si Imelda ng mga "antiques" na nagkakahalaga ng $610,640.00. Isang mahogany -china cabinet ang nagkakahalagang $100,000, Georgian armchairs sa halagang $41,600 isang 18th centurygrandfather na orasan sa halagang $12,000 at isang chandelier sa halagang $33,600.


Setyembre 1981

Sa pamamagitan ni Glecy Tantoco, binili ni Imelda ang estado ni Leslie R. Samuels, isang pilantropo sa halagang $5.950 milyon. Kasama dito ang mga bihirang mga libro, gawang-sining ng mga pintor at mga muebles. Pundo ng Philippine National Bank na halagang $5.450 milyon ang ginamit dito sa pamamagitan ni Oscar Carino.


Setyembre 1981

Kahit na hindi nangangailangan si Razon ng mga kagamitan sa kanyang negosyo ng cargo at kakulangan ng "dollar reserves", inutusan pa rin siya ni Marcos na mag-sumite ng loan application para sa importa ng mga ito. Pinayagan ng Monetary Board ng Central Bank sa rekomendasyon ng Mediad- (Management of External Debt and Investment Accounts Department ang aplikasyon ni Razon. Nguni't hindi natanggap ni Razon ang pera, sa halip ito ay ibinalik sa New York at ipinambili ng Crown Building sa halagang $43.5 milyon. Ginamit ni Marcos sa pagbili nito ang pangalang Lyra Corporation, isang kompanya sa Netherlands sa Antilles.

Si Gapud ang namahala sa lahat ng pagbili ng mga lupa sa pangalan ng iba't-ibang kompanya upang maitago ang tunay na mga may-ari. Ngunit dahil sa masusing pag-iimbistiga ng mga oposisyon, hindi rin naitago ng lubusan ang mga pamimili ng mga Marcoses.

Nalaman pa na pagkatapos maipundar ang Lyra, itinayo naman ang Lastura kung saan inilipat ang pag-aari ng Crown Building. Pagkatapos nito, isinangla ang mga shares ng Lastura sa tatlong Panamanian companies- ang Yewell, Panelpor at ang Trade and Commodities na isinanla naman nitong huli sa isang bangko upang makautang.


Setyembre 15, 1981

Dalawang tsekeng pirmado ni Carino na nagkakahalaga ng $4.450 milyon ang paunang-bayad sa Crown Building sa New York, na aprobado naman ni Panfilo Domingo ang pangulo ng PNB.


Setyembre 30, 1981

Inatasan ni Marcos si Panfilo Domingo na bayaran ang nagastos na $200,000 ni Imelda sa opisyal na pagbisita nito sa Iraq. Ang pera ay galing sa Intelligence Fund Account # 2.


Oktubre 02, 1981

Itinatag ang Makati Business Club-isang grupo ng mga negosyante na naging bokal sa pag-puna kay Marcos at sa kanyang mga programa sa ekonomiya.


Nobyembre 1981

Ang Maler Corporation na binili sa Swiss Bank Corporation ay naging Maler Foundation.


Nobyembre 17, 1981

Binili ni Imelda ang Herald Center sa New York ng $17.4 milyon. Natapos ang bilihan noong ika-17 ng Pebrero, 1982. Ginamit ang pangalang Voloby Corporation. Pinadala ng mga bangko sa Pilipinas ang halagang $19.430 milyon. Ang sobra ay ginamit ni Imelda sa pamimili niya ng mga alahas.


Disyembre 1981

Isang sistema para sa paglilipat ng ginto mula sa kaha ng Central Bank palabas ng bansa ang pinasimulan ni Laya. Tinawag itong " Location Swap." Sa sistemang ito mapapadali umano ang pagbebenta ng ginto ngunit sinabi ni Laya na hindi naman daw ito nagbebenta ng ginto kung hindi ide -deposito lang o para sa stockpile. Ngunit malakas ang ugong ng balita na may isang tao daw sa Pilipinas ang nagbebenta ng 525 metric ton sa halagang $5 bilyon. Ang ginto ay di-umano pinadala noong ika-4 ng Enero, 1982. Sa araw na ito, may 100,000 onsa (2.84 ton.) ang lehitimong pinalabas at pinadala sa ibang bansa sa ilalim ng programa ni Laya ang location swap. Pagkatapos nito ang reserbang ginto ng Pilipinas ay nanatiling hanggang 1,550,000 onsa o 44 metric tons na lamang.


Disyembre 1981

Sinulatan ni Marcos si Laya na aprobahan ang $8 milyon hinihingi ni Cuenca para sa construction project nito sa Iraq (CDCP). Si Gapud ang nangasiwa nito mula sa pundo ng Security Bank and Trust Company para ibili ng dolyar ni Cuenca. Si Gapud ang nagpadala sa New York para sa pagbili ng Herald Center. Si Benedicto naman ay nagpadala mula sa kanyang Traders Royal Bank, samantalang si Genito naman ay nagpadala mula sa Angenit.Kasabwat ang Central Bank sa pagsasagawa ng anomalya sa wire transfer ng mga pundo.


Disyembre 30, 1981

Gumawa ng tatlong paglilipat ng pondo si Fe Roa Gimenez 1) $100,000 sa Hanover Trust sa Danaos ang kompanya ni Bulgari, isang mag-a-alahas 2) tatlong tseke- $830,000, $90,000, at $150,000 para kay Mario Bellini, isang italyanong art dealer, 3) dalawang tseke-$80,000 at $51,350 para kay Isi Fischzang, isang alahero sa National Bank of North America. Nakapagbigay na si Glecy Tantco kay Bellini ng dalawang tsekeng nagkakahalaga ng $1 milyon noong ika-26 ng Disyembre, kaya sa listahan ni Fe isinulat niya na "A. Bellini-balance of $1,070,000 for Flemish paintings". Ipinadala ang mga ito sa Malacanang noong ika-12 ng Enero, 1982.


1981

Dahil sa pagdidikta ng IMF, pinababa ni Marcos ang budget ng lahat ng ahensiya ng gobyerno hanggang sa 18 porsiyento. Ngunit hindi napatigil ang mga programa ni Imelda at hindi rin napasama sa nabanggit na pagpapababa.


Enero 22-28, 1982

Umabot sa mahigit limang milyong dolyar ($5,021,136.00) ang nagastos ni Imelda sa pamimili ng ibat ibang alahas at gawang-sining sa Hongkong at Milan, Italy.


Pebrero 1982

Tumanggap si Glecy Tantoco mula sa Security Bank ng $4.65 milyon at bumili ng isang Flimesh painting sa halagang $4 milyon at isang silver service sa halagang $428,000. Mamimili rin siya ng mas maraming gawang-sining mula kay Jack Tanzer na nagkakahalaga ng $2 milyon na ang kuwenta ng pinamili ay unang ibibigay sa Rustan's, pagkaraan ay sa Metropolitan Museum of Manila.


Pebrero 1982

Dumating sa Maynila si Ron Lusk (napag-alaman na hindi tunay na pangalan) para ayusin ang lihim na shipment ng 50 metrikong toniladang ginto patungong Switzerland. Siya ay panauhin ni Fabian Ver at Gen. Cannu na may reputasyong kayang gawin at nakawin ang kahit ano, isang taong kayang paliparin ang kahit anong bagay mula sa helikopter hanggang sa Boeing 747. Ayon kay Lusk, ang gintong ipinakita sa kanya ni Cannu ay nakatago sa "ilalim ng bodega sa isang lugar sa labas ng Maynila". Sinabi rin niya na ang mga ginto ay may Intsik o Hapon na marka at nakalagay sa mga copper boxes. Gumawa ng plano si Lusk na paliparin ang mga ginto patungong Switzerland ngunit biglang napatigil ang misyon. Hindi sinabi sa kanya kung bakit. Siya ba ay ginamit lamang habang ang desisyon ay umupa ng ibang tao?


Mayo 1982

Ngayong buwang ito, binago ng Central Bank ang Kaayusan ng kanilang pag-uulat sa panlabas na utang ng bansa (external debt). Ang mga "revolving debts", na kadalasan ay "short-term external borrowings" ay hindi isasama sa listahan ng mga utang. Sa lumang kaayusan, ang kabuuang pagkakautang ay umabot sa $16 bilyon. Sa bago, ito ay $11.5 bilyon lamang. "Alice in Wonderland" ulit! sa pagbabago ng katuturan, ang kabuuang pagkakautang ng Pilipinas ay bumaba ng $4,500 bilyon.

Hindi lamang yon: binago ang kahulugan ng Central Bank sa debt-service ratio upang mapanatili ang 20 porsyento "lending limit". Ang taunang "foreign borrowing" ay hindi dapat lumampas ng 20 porsiyento ng kita sa nakaraang taon. Sa taong ito, 1982, ito ay muling binago. Ang mga panandaliang pautang ay hindi isinama (sa gayon nababa ang numerator) at ang panlabas na panghihiram ay idinagdag sa kita sa export (napataas ang denominator). Ano ang nagawa nito? Hinayaan nitong makahiram ang gobyerno ng panandalian "ad infinitum" nang hindi naaapektuhan ang ratio.


Agosto 12, 1982

Isang "telex" ang ipinadala kay Gapud: "Karagdagan sa pag-uusap 1:30 a.m. sa petsang ito sa ating oras sa iyong opisina ang pera ay naayos na ng Saudi National Bank sa Madrid na pambili ng unang 6,000 metrikong tonelada ng produktong napag-usapan. Bill Erbe, Presidente, ITM. "Ito ba ay ebidensiya na si Marcos ay may malaking halaga ng ginto o siya kaya'y may ginagawang isang napakalaking panloloko?


Agosto 19, 1982

Si Andrew Benito ay nag-withdrew ng $1 milyon mula sa Wing Lung Bank sa Hongkong at dinala kay Marcos bago ito pumunta sa Washington. Binigyan ni Danding Cojuangco si Imelda ng $500,000 at si Domingo ng PNB ay nagdagdag ng $200,000. Sina Lucio Tan, JY Campos at Nemesio Yabut ay nagbigay rin ng malaking halaga para sa paglalakbay na ito.


Setyembre 14-25, 1982

Bumili si Imelda ng isang "black fox-trimmed stole" (isang alampay) sa halagang $3,500, alahas kay Fred Leighton na nagkakahalaga ng $133,500, mula sa cartier $52,000 at nagpagawa ng mga larawan nilang mag-asawa kay Ralph Cowan sa halagang $62,000.


Oktubre 16, 1982

Ang 1979 "US Bases Agreement" ay nagbigay sa Pilipinas ng $500 milyong upa para sa limang taon. Ang kasunduan ay rerepasohin sana sa 1984 ngunit sumang-ayon si Reagan na pagbigyan na si Marcos at simulan na ang negosasyon ng mas maaga. Ang renta ay itinaas sa $900 milyon sa loob ng limang taon, simula sa Octobre 1, 1984. Ito ay makapagpapasok ng dolyar na ating kailangang kailangan.


Oktubre 1982

Pinalitan ang taong 1972 bilang basehang taon upang alamin ang CPI o "Consumer Price Index" Ito ay magiging 1978. Muli, sa isang hagod lamang ng panulat, sa taong ito, 1982 pinababa ng Central Bank ang panlabas na utang, at pinataas ang "purchasing power" ng piso at ito ay totoo: ang reserba ng ginto ay tuluyang tumaas hanggang sa 1,866,000 ounces.


Disyembre 1982

Ang pinakamamahal sa lahat ng pag-aari na nabili ng mga Marcos ay ang 40 Wall Street na nagkakahalaga ng $70,126,228.00. Kinuha ang ipinambili dito sa dalawang kompanya na pinamamahalaan ni Gapud, sa Traders Royal Bank, at sa pondo ng Philippine National Oil Company. Ang pangulo ng PNOC na si G. Velasco, ay magpadala ng dolyar, na galing sa kinita sa pag-export ng langis, sa "account" ng PNOC sa Chemical Bank, New York. Binayaran siya ni Gapud sa pesos na galing naman sa 7700 accounts.

Ang lumitaw na opisyal na bumili ng 40 Wall Street ay ang Nyland Corporation, isang Netherlands Antilles "offshore corporation" na may tatlong nagmamay-ari: Beneficio Investment, Inc., Excelencia Investments, Inc., at ang Bueno Total Investments, Inc. Lahat ay kompanyang Panamanian na itinayo ni Gapud noong 1980. Ang mga korporasyong ito ay pag-aari ng dalawang HK trust accounts sa Standard Chartered Hongkong Trustee Ltd.


1982

Ang monopolyo ni Marcos at Danding Cojuangco ng industriya ng niyog ay kumpleto na. Ang mga maliliit na magsasaka ng niyog ay puwersadong pinagbabayad ng buwis (levy) sa kopra ng halagang P9.6 bilyon. Mula sa 1973-1982 ang pondong nalikom ay umabot na sa P100 bilyon.

Ang pondo ay nilagay sa isang bangko na walang interes. Ang bankong ito ay binili ng Philippine Coconut Authority mula sa pondo ng pamahalaan, kay Jose Cojuangco, na tiyo ni Danding. Bilang director ng PCA, binigyan si Danding ng sampung porsiyentong bahagi (10% shares). Ang bagong bangko ang siyang namahala sa multi-billion pondo ng industriya ng niyog (levy fund) para sa benepisyo ni Marcos, ni Danding, JP Enrile at ang buong grupo ng abogado ng Angara (ACCRA) ang nag-gawa ng mga lehitimong paraan para sa "pagnanakaw ng pondo." Ang mga malalaking nag-mamay-ari ng niyugan (coconut landlords) na kagaya ni Clara Lobregat ay nakinabang din.

Pinaikot ang levy funds para magkaroon ng mga shares sa malalaking kumpany kagaya ng San Miguel Corporation at pati na rin ng maliliit kagaya ng Dutch Boy Paints.

Kahit na ang pondong ito ay pampubliko dahil sa ito ay isang espesyal na buwis para sa isang partikular na sektor at hindi isinali sa "general funds" nagawa sa pamamagitan ng diktatoryal na pamamaraan na maging pribadong pondo ito. Maliwanag na ang paglipat ng pondo sa pamamahala ng iilan sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga pribadong kumpanya ng mga katiwala at abogado ni Danding ay isang imoral, ilegal at pataksil na mekanismo. Dahil dito, hindi naglaon nawala na ang pagiging pampubliko karakter nito na para sana sa mga magsasakang nagniniyugan.

Ang masaklap pa ay walang maipakitang resibo ang mga magsasaka dahilan na rin sa mga kumplikadong pamamaraan ng pagdodokumento ng kanilang pagbabayad na hindi naman ipinaliwanag sa kanila. Dahil nga sa walang maipakitang katunayan na ang mga ito ay nagbabayad ng buwis walang benepisyong nakuha mula sa pondo ang mga magsasaka.

Ang monopolyo ni Danding ay naayon sa plano ni Marcos para sakupin ang buong ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng kanyang mga espesyal na cronies. Nandiyan si Benedicto sa industriya ng asukal, si Floreindo-sa industriya ng saging, si Campos sa gamot at mga lupain, si Disini sa Nuclear Energy, si Danding sa niyugan, si Silverio sa mga sasakyan, si Cuenca sa infrastructure, atbp, at si Gapud ang tagapagpayo sa pinansyal, si Ronaldo Zamora naman sa legal na aspeto ng "crony capitalism." Naging mabisa ang pagsasama-sama ng grupong ito at nagbigay ng bilyon-bilyon sa diktador na mag-asawa. At wala silang maireklamo. Nagtagumpay sila sa kanilang mga negosyo ng walang kalaban o kakumpitisya. At nandiyan pa ang ibang ahensiya ng bangko ng pamahalaan, kasali na ang Central Bank na kaya nilang gamitin at abusuhin.


Enero 1983

Si Imelda ang naging punong-abala sa kanyang alagang proyekto, ang Manila International Film Festival. Pinagawa niya ang Film Center sa halagang $21 milyon na dinagdagan pa ng ibang ahensiya ng pamahalaan at ng Central Bank ng $4 milyon.


Pebrero 02, 1983

Sa petsang ito sa Luxembourg, isang empleyado ng bangko ang nagbigay sa awtoridad ng US ng notaryadong kasulatan ng bentahan (sales agreements) ng ginto kung saan may 4,207,138 na bareta na tumitimbang ng 12.5 kilo at may tatak na Banco Central ang ipinagbibili. Nakakamangha sa dami ang gintong ito na nagkakahalaga ng mahigit sa $800 bilyon.

Isang memorandum na kasama ng kasunduan ang may lagda ni Konsehala Candelaria V. Santiago. "Pinagkakatiwalaang babae ng Presidente at lihim na nagbebenta."

Sa Central Bank, ang reserba ay bumaba sa 289, 000 onsa, bumaba ng mahigit kumulang sa 1.6 milyong onsa (44.8 metrikong tonelada) mula sa balanse noong nakaraang taon. Doble ang presyo ng ibinaba noong 1972 at pareho raw ang naging dahilan ng pagbaba: ang "liquidity crises; kaya dapat magbenta ng ginto dahil kailangan ng dolyar.


Abril 20, 1983

Malubha ang sakit ni Marcos-"systemic discoid lupus." Ngunit hindi ito naging sagabal sa pagbebenta niya ng ginto, hindi siya nanghina dito. Ang kanyang mga tauhan ay nag-imbita ng isang nagngangalang John Doel. Nagkaroon ng negosasyon sa siyam na kontrata sina Doel at ang mga tauhan ni Marcos na sina Domingo Clemente at Pedro Laurel na ang mga ginto pinagbibili ay pag-aari ni Marcos at ang halaga ay mas higit pa sa pinagusapan- 5,250 tonelada.


Mayo 16, 1983

Nagbayad si Imelda ng $273,500 para sa 52 "paintings" ng isang hindi kilalang "French Impressionist" na si Paule Gobillard. Lihim na pinagtawanan si Imelda ng mga eksperto sa gawang-sining dahil ang pintor ay di-kilala at wala pang kolektor na bumili ng mga gawa nito.


Mayo 28, 1983

Si Norman Lester "Tony" Dacus, kinatawan ng dalawang "offshore companies" sa Bahamas - Remington Limited at Bistre Limited - ay nakipagkita kay Marcos ng apat na beses ngunit unang nakipagkasunduan kay Fabian Ver sa dalawang transakyon ng ginto: ang isa ay ang delivery ng 60 metrikong tonelada bawa't linggo,sa total na 15,600 metrikong tonelada sa presyong $400 ang isang onsa, at ang ikalawa ay para sa 10 metrikong tonelada na may kabuuang 4,000 tonelada sa ganoon din presyo. Pinirmahan ni Marcos ang dalawang kontrata. Sinasabi sa kontrata na ang mga bareta ay 10 kilo bawa't isa at may tatak ng Central Bank "hallmark".

Ang nasabing ginto sa unang kontrata ay naroon na sa Hongkong at samantala ang pangalawa ay nakaimbak pa sa United Coconut Planters Bank. Sinabi ni Dacus na nakita niya ang mga bareta ng ginto sa bangko noong Agosto 1983 at mga 100 metrikong tonelada ang nakaimbak doon.


Mayo 30, 1983

Lumagda si Fe ng tseke para sa mga alahas na nagkakahalaga ng $577,920. Pagkalipas ng dalawang linggo lumagda ulit siya para sa $635,000. Nagsimula na rin ang bayarin kay Bellini na umaabot ng $8.3 milyon para sa gawang- sining.


Hunyo 1983

Dahil sa nainis si Imelda sa hindi pagkakaimbita sa kanya noong kasal nina Prince Charles at Princess Diana, nagdesisyon si Imelda na gawing napaka-engrandeng pambansang okasyon ang kasal ng anak niyang babae na si Irene. Ang lokasyon: Sarat, Ilocos Norte, bayang tinubuan nina Marcos at Ver. Binago ni Imelda ang bayang ito upang magmukhang bayang kolonyal ng Espanya noong ika-17 siglo. Binago ang bayan ni Marcos at Ver upang magkaroon ng impresyon na sila ay nagmula sa aristokrat na pamilya. Ang mga katutubong kubo ay pinalitan ng mga bahay na may estilong European. Ang iba ay pwedeng matirhan ngunit ang iba ay mga haligi lamang. Ang halaga ng nagastos ay umabot sa $10 milyon. "Edifice complex" - iyan ang paglalarawan ng ilan sa kanyang mga kritiko sa pagkakahilig niyang ito sa mga proyekto ng magagarang gusali. Nagpatayo siya ng napakaraming pag-aari sa iba't ibang lugar sa Pilipinas para sa kanya at sa kanyang pamilya.


Agosto 07, 1983

Sa araw na ito, lihim na nagpa-transplant si Marcos ng kanyang isang bato. Hindi naging matagumpay ang operasyon. Kinailangan niyang magpa-transplant muli pagkaraan ng isang taon. Malala na ang sakit ni Marcos nang bumalik sa Pilipinas si Ninoy. Ito kaya ang dahilan kung bakit ninais niyang ipagpaliban muna ni Ninoy ang pagbalik nito ng isa pang buwan?


1983

Mula sa komunikasyon sa pagitan ng opisina ni Ferdinand Marcos at ng kanyang pribadong sekretarya, may mga telex na ipinadadala sa mga "banyagang nagpapautang" na nagsasabing ang Pilipinas ay hindi na makakabayad sa mga utang nito. Ito ang unang pagbabadya na mayroong hindi tamang nangyayari, na nauubos na ang dollar reserve ng bansa, at may nagnanakaw sa Central Bank.




[ Previous | Homepage | Nextpage ]