chronology tagalog version


Maniwala ka o Hindi: Ang Mga Tunay na Pangyayari, Karanasan at Pamamaraan tungkol sa Pinakamalaking Nakawan sa kasaysayan ng Mundo

Isang kronolohiyang Pagsasalaysay
ni
CHARLIE AVILA

Isinalin ni Erlinda Villamor Bagas




Pebrero 1942

Ang usapang-yaman sa Pilipinas ay nagsimula pa noong panahon ng digmaan ng taong 1942. Maraming mga bansa ang nagsikap na itago ang kanilang yaman nang maramdaman ang nalalapit na gulo ng digmaan. Isang halimbawa: Pinadala ng bansang Espanya ang kanyang bansang-yaman ng ginto sa Rusya. Hulaan ninyo kung sino ang nakakita pang muli noon?

Sa Pilipinas, habang ipinagtatanggol ng mga sundalong Amerikano at Pilipino ang bansa laban sa mga mga Hapones sa Bataan, ang Pangulong Quezon naman ay binalot ang mga bareta ng ginto at mga pilak na salapi at sinakay sa submarinong USS Trout patungong Australya samantalang ang mga salaping pilak na tumitimbang ng 350 tonelada at nagkakahalaga ng P15.0 milyon ($8 m.) ay pinalubog sa karagatan ng Koregidor noong Mayo, 1942. Ang mga perang dolyares ay sinunog matapos maitala at mairadyo sa Washington ang mga serye nito.


Agosto 1942

Sa kalagitnaan ng Agosto, nagsimula nang matalo ang Hapon. Ang mga kayamanan ninakaw ng mga Hapon sa mga bansang Asya na kanyang sinakop ay hindi na maaring ibalik pa sa bansang Hapon. Nang manalasa ang mga Hapones, ang mga likas na yaman (raw materials) ay pinadadala sa bansang Hapon.

Marami ang hindi nakaalam na hindi lamang mga likas na yaman ang sinalanta ng mga Hapon. Ang pananalasa ay ganap at sistematiko. Sinalakay nila at nilimas ang mga bangko, mga kabang-yaman at lahat na uri ng taguan ng kayamanan. Hindi nila pinaligtas maging ang mga bangkay ng kaaway; ang mga gintong ngipin ay kagyat na pinagtatanggal sa katawan ng mga patay; pinagpuputol ang mga daliri upang makuha ang mga singsing at hindi rin sila nangimi na salakayin ang mga simbahan, mga museo, bahay-sambahan, at templo ng Diyos. Maging mga templo ng bisyo: pasugalan, prostitusyon, ismagling, opyum, at pautangan.

Nagsimula nang mag-baon ng mga kayamanan ang mga Hapones. Isang grupo ng mga opisyal at isang brigada ng mga bihasang inhenyero ang naatasan maghukay ng isang tunel o lagusan. Maraming buwan ang ginugol upang makagawa ng taguan para sa mga nakaw na kayamanan. Sinasabi na ang tunel ay napakalawak na maging ang malalaking trak ay nakakapasok. Ito ay malalim sagad hanggang sa abutin ang tubig sa ilalim ng lupa.

Maaring nakagawa nga ng ganitong kakumplikadong lagusan ang mga Hapones. Sila ang kauna-unahang gumawa ng tunel sa ilalim ng dagat mula sa Khusyu sa katimugan ng maliliit na isla hanggang sa malaking isla ng Honshu. Alam nila ang teknolohiya nito.

Naniniwala si Marcos sa nakabaon na kayamanan, kaya nang maging pangulo siya, itinalaga niya ang isang malaking grupo ng mga militar na walang gagawin maliban sa paghahanap ng mga ito. Pinangungunahan ang grupong ito ni Favian Ver, kasama sina Col. Mario Lachica, Gen. Santiago Barangan, Gen. Onofre Ramos, Col. Florentino Villacrucis, Col. Porfirio Gemoto, Gen. Ramon Cannu, Gen. Tomas Dumpit, Col. Orlando Dulay, Maj. Patricio Dumlao, Johnny Wilson at Venancio Duque.


1949-1950

Maaring sabihin na galing sa mahirap na pamilya si Marcos. Naging milyonaryo lamang siya noong maging mambabatas na siya sa pamamagitan nang pagbebenta ng lisensiya sa pag-angkat. Ipinagdiwang niya itong pagbabago ng kayang estado sa buhay sa pamamagitan nang pagbili ng isang kotseng Cadillac.Maliban dito, wala nang pagkakakitaan ng anumang yaman si Marcos.


1954

Noong nililigawan ni Marcos si Imelda, sinasabing ipinakita raw nito kay Imelda ang isang kaha de yero na punong-puno ng dadaaning salaping dolyares- walang mga baretang ginto.

Nagsimula lamang siyang magdeposito ng pera sa mga banko sa ibang bansa noong 1967. Ngunit noong 1988, pinalilitaw ni Marcos na nag-ipon na siya ng ginto mula pa noong panahon ng digmaan.

Ayon kay Enrique Zobel de Ayala, naikuwento raw ni Marcos sa kanya na siya (Marcos) ay nagsimulang mag-bareta ng ginto sa Hongkong noong pang 1946 at marami pang mga ginto ang kanyang naipon dahil sa paghuhukay ng mga kayamanan ibinaon ng mga Hapones. Dinagdag pa nito na ang mga yaman nahukay niya ay lihim dahil sa maaring mag-habol pa ang ibang mga bansa na pinagnakawan din ng mga Hapon. Maari lang daw itong ibunyag sa taon 1985 kung paso na ang anumang paghahabol ayun sa batas ng limitasyon.

Ang kuwentong ito, kung sakali mang totoo ay nakakalungkot at nakakatawa. Dahil sa ang taong 1985 ay isang simula ng katapusan- ang daan patungo sa himagsikan sa EDSA noong 1986.


1967

Naging madaldal si Marcos sa pagku-kuwento ng kanyang mga yaman na umano'y galing sa mga "treasure hunting" nguni't naging tahimik siya tungkol sa pagtanggap ng mga "lagay", komisyon, pag-kumpiska ng mga yaman ng ibang tao at iba-iba't uri ng pagnanakaw. Sa taong ito, natanggap ni Marcos ang kanyang unang "lagay" mula sa pamahalaang Estados Unidos, matapos siyang pumayag na magpadala ng mga sundalo sa Vietnam, nagsimula rin siyang tumanggap ng tsekeng nagkakahalaga ng US$200,000.00 kada ika-apat na buwan. Ang mga tseke ay ipinadadala ng US Embassy kaugnay ng isang lihim na kasunduan ng mga opisyal ng Departamento ng Estado at Pres. Marcos na ang resibo ng kabayaran ay maaring itago sa taong-bayan na umano ito ay mula sa badyet ng kagawaran ng Tanggulang-Bansa.


Hulyo 07, 1967

May mga papeles na natagpuan sa Malacaņang pagkatapos ng rebolusyon sa EDSA nagsasaad na sa araw na ito unang nagdeposito si Marcos ng dolyar sa Chase Manhattan Bank, New York ng US$215,000.00. Dahil sa hindi pa sanay sa pagtatago ng pera, ginamit ni Marcos ang kanyang tunay na pangalan.

Noong sumunod na taon, 1968, nagsimula na rin siyang magdeposito sa "Swiss account."


Marso 21, 1968

Ang ulo ng balita sa Manila Times, ay "Camp Massacre Bared", na nagtatala na labing-apat (14) na sundalo ang minasaker sa pulo ng Corregidor at apatnapu (40) pa ang nawawala. Ito ay may kaugnayan sa isang proyekto ni Marcos, ang JABIDA, na ang pangunahing layunin ay ang pagsabotahe at insureksiyon sa Sabah. Ang mga nangalap na sundalo ay mga Pilipinong muslim. Ang pinupuntirya ay isang muslim na estado ng Malaysia. Dahil dito, nagrebelde ang mga sundalo kung kaya sila ay minasaker.

Para kay Marcos, ang Sabah ang pinakabukod tanging mina ng ginto dahil sa likas na yaman nito. Madalas niyang sabihin ito kay Dovie Beams, ang kanyang naging kabit (mistress), na hawak pa raw niya ang isang Special Power of Attorney na galing sa Sultan ng Jolo na siya namang tradisyonal na may-ari ng Sabah.


Marso 1968

Isang kinatawan ng Credit Suisse Bank sa Zurich, si Walter Fessler ang nagpunta sa Malacanang. Sa mga papeles na nagpapatunay ng kanilang deposito- nilagay at ipinirma ni Marcos ang pangalang "William Saunders"(pseudonym), isang alyas na ginamit niya noong giyera, at sa ilalim nito ay isinulat niya ang "Ferdinand Marcos" (real name). Gayundin ang ginawa ni Imelda. Ang ginamit naman niya ay "Jane Ryan" bilang alyas. Apat ang binuksang "bank account". Apat na tseke na nagkakahalaga ng US$950,000.00 ang i-deneposito ng mag-asawa.


Enero 01, 1970

Ipinahayag ni Marcos sa buong sambayanan na isinusuko na niya ang lahat ng makamundong kayamanan dahil sa mayaman na raw siya. Lubha itong kataka-taka. Wala pang inamin si Marcos tungkol sa pagiging mayaman. Sabi pa ni Marcos, "Alam ninyo kung saan galing ito? Natagpuan ko na ang nakabaon kayamanan ni Yamashita (Yamashita's treasure).

Hindi pinaniwalaan si Marcos, maging sa kanyang pagsasabi na ipamimigay niya ang kanyang natagpuan yaman sa mga Pilipino bilang pagtanaw ng utang-na-loob sa paghalal sa kanya nang pangalawang ulit - isang ka-una-nahang pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas.


Pebrero 13, 1970

Hindi naniwala sa kanya ang ka-Maynilaan. Ang mga demos ay lalong naging malubha. Naging marahas pa ito. Habang nagkakagulo, ang mag-asawang Marcos at Imelda ay sumulat kay Marcus Geel na magtatag pa ng isang "foundation" na lingid sa kaalaman ng sambayanang Pilipino. Ito ang Xandy Foundation sa Vaduz, isang siyudad sa Liechtenstein. Ito ay isang lugar sa gitna ng Austria at Switzerland. Pamoso ang maliit na siyudad na ito dahil sa kanilang pagtanggap ng deposito sa ilalim ng isang pambihirang sistema na kung tawagin ay "anstalt" kung saan napailalim sa napakahigpit na "secrecy laws." Sinasabing ang maging ang CIA at KGB ay dito nagtatago ng pundo para sa kanilang mga lihim na gawain. Kahit na ang mga bangkero ng Swiss ay paminsan-minsan din gumagamit ng "anstalten."

Ang mga pera ng Saunders at Ryan ay inilipat sa Xandy Foundation. Ito ay isa lamang sa marami pang foundation na itatag ng mga Marcos. Mga bangkero at abogadong Swiss ang tumayong mga directors upang maitago ang mga Marcoses.


Agosto 26, 1970

Itinatag ang Trinidad Foundation.


Enero 27, 1971

Natagpuan nina Roger Roxas ang isang gintong estatwa ng Buddha. Halos tatlong talampakan ang taas nito at napakabigat. Umupa sina Roger ng isang trak at dinala ang gintong buddha sa bahay ng huli sa 47 Ledesma St., Baguio. Mag-a-alas- dos ng madaling araw nang makarating sila sa kanilang bahay.

Ang estatwa ay tumitimbang ng 2000 libra o isang tonelada. Si Louie Mendoza, isang kinatawan ng Treasure Hunters Association ang nagsabi na ang ginto ay 22 karat at 92 porsiyentong purong ginto. Kinunan ng maraming retrato ang Buddha ni First Lieutenant Ken Cheatham, isang treasure Hunter na mula sa US Air Force sa Clark.


Abril 05, 1971

Lunes Santo, sa ganap na alas-dos y medya ng madaling araw, hinalughog ang bahay ni Roger Roxas sa bisa ng isang utos na pirmado ng isang amain ni Marcos- si Judge Pio Marcos. Si Roger ay pinagbintangan lumabag ng regulasyon ng Central Bank. Magulo at marahas ang paghalughog na ginawa at bago natapos ang araw, nawawala na ang gintong Buddha.

Inaresto si Roger, piniringan at dinala sa isang lihim na lugar sa labas ng Maynila. Ang hinala ni Roger nasa isang kampo ng militar siya dinala. Binubog at pinahirapan hanggang sa mapilitan si Roger na pumirma ng isang kasulatan na nagsasaad na walang kinalaman si Marcos sa pagkawala ng Buddha.


Hulyo 21, 1971

Itinatag ang Azio Foundation.


Agosto 21, 1971

Binomba ang rally ng oposisyon sa Plaza Miranda- Ang nangyari kay Roger Roxas ang ginawang halimbawa ng mga anti-Marcos kung gaano kagahaman sa ginto at ang pagkamaniniil ni Marcos.Sinuspindi ang Habeas Corpus makaraan ang isang buwan. Ito ay isang taon nang pagbabadya para sa batas-militar.


Setyembre 24, 1971

Itinatag ang Rosalys Foundation


Oktobre 1971

Nagbukas ng "bank account" ang Rosalys Foundation, account number- 51960 sa Swiss Bank Corporation. Mula sa araw na ito hanggang Hunyo 30, 1980, ang nailipat ng Berlin and Company sa bankong ito ay nagkakahalaga na ng US$10.300 milyon.


Disyembre 27, 1971

Itinayo ang Charis Foundation sa Vaduz.
Setyembre 17-21, 1972

Nagsimula na ang Marcos-US rehimen ng batas-militar. Ito ay matapos magpasiya ang Korte Suprema na hindi maaring mag-ari ang mga banyaga (mga amerkano) ng lupa. Isa pang dahilan kung bakit na-deklara ang martial law ay sa posibilidad na maaring hindi na siya (Marcos) makatakbo pa sa halalan sa pangatlong pagkakataon. Kasalukuyan binabago ang saligang-batas at hindi siya sigurado sa mga kinatawan kahit na maraming mga panunuhol at pakikialam ang ginawa dito.

Ang Partido komunista ng Pilipinas at ang armadong sangay nitong New Peoples Army ay kakaunti pa lamang.

Ang Muslim secessionist ay tahimik na lumalago.

Organisado na rin ang gitnang puwersa ng Christian at Social Democrats sa kanilang propaganda at kilusan.

Sa tulong ng mga amerkano, lalo na ang pangulo nitong si Richard Nixon nagtagumpay ang kudeta na tinagurian ng mga political scientists na isang "auto-golpe" dahil sa ito ay kudeta laban sa kanyang (Marcos) sarili.

Ang sumunod ay isa ng kasaysayan- ang kasaysayan ng sistematikong nakawan at paglabag sa karapatan-pang-tao.


1973

Ang gintong reserba ng Central Bank ay bumaba hanggang 1,057,000 onsa. Sinabi ni Governor Licaros na 800,000 onsa (mga 22.7 tonelada) ang ipinagbili para makalipon ng dolyares. Sa opisyal na presyo, ang gintong ipinagbili ay nagkakahalaga ng US$28 milyon sa $35 kada onsa.

Ang Central Bank ay isang makapangyarihan kinatawan ng pamahalaan. Ito ay maihahantulad sa Board of Governors ng Federal Reserve ng Estados Unidos. Katulad ito ng Federal Depositors Insurance Corporation at ng iba pang kagawaran sa pagbabangko. Bilang gobernador, nakapagpapasiya si Licaros sa bentahan ng ginto. Sa pangulo lamang siya mananagot at wala ng iba pa.

Ayon sa isang lihim na tala, ang gintong ipinagbili ay hindi sa presyong opisyal ($35/onsa) kung hindi sa presyong merkado (market price) na halos doble sa presyong opisyal.

Sa ilalim ng pamahalaang Marcos, mahigpit ang patakaran sa pagiging tahimik, ala-mafia ang estilo. Ito ay upang maitago ang anumang ilegal na transaksiyon tungkol sa pera ng sambayanan Pilipino.

At kung sakali man, sa mga pambihirang pagkakataon na malaman ng publiko ang mga ganitong anomalya, mabilis na natatakpan ito. Maraming mga taong tinatawag na teknokrat, mga taong tinaguriang may mga integridad, matatalino at bihasa sa sining ng panlilinlang ang nasa likod ni Marcos upang ipagtanggol ito. Ang karaniwang sagot kung nalalagay sa alanganin ang kanilang amo- "confidential" ito. Totoo nga naman. Ang pangangawat at katiwalian ay laging lihim at sila lang ang nakakaalam!




[ Homepage | Nextpage ]